Maliwanag ang kalagayan at kontribusyon ng sektor ng industriya sa kabuuang kita ng Pilipinas. Kabahagi ito sa pagtatamo ng maayos na ekono...
Maliwanag ang kalagayan at kontribusyon ng sektor ng industriya sa kabuuang kita ng Pilipinas. Kabahagi ito sa pagtatamo ng maayos na ekonomiya ng bansa. Ang ugnayan at interaksiyon ng mga sektor ay mahalagang aspekto upang makamit ang ninanais na katatagan ng pamahalaan.
Sa aspekto ng pag-uugnayan, ang sektor ng industriya at agrikultura ay may direktang pakinabang sa bawat isa. Sa isang banda, nagmumula sa agrikultura ang mga hilaw na sangkap na ginagamit sa pagbuo ng mga produkto ng industriya. Ang mga sangkap na ito ay nagkakaroon ng transpormasyon, nadadagdagan ng halaga, at nag-iiba ng anyo ayon sa magiging gamit at pakinabang dito. Ang dinadaanang proseso ay nangangahulugan ng maraming pangangailangan tulad ng lakas-paggawa, iba’t ibang sangkap sa produksiyon at iba pa.
Sa kabilang banda, ang mga kagamitang ginagamit sa agrikultura tulad ng traktora, sasakyang pangisda, at iba pa ay produktong mula sa industriya. Ginagamit ang mga ito upang magkaroon ng mas mataas na produksiyon na magbibigay ng mas malaking kita sa namumuhunan at mas maraming produkto para sa mga mamimili. Ang ugnayang ito ay nagpapakita ng lubos na pagtutulungan sa mga sektor ng ekonomiya.
Samantala, ang sektor ng industriya ay nakapagdudulot ng napakalaking kontribusyon sa ekonomiya. Sa bawat litro ng pintura na magagawa, nangangailangan ito ng maraming kemikal na sangkap sa paggawa, lalagyang lata o plastik, tatak, at iba pang impormasyong nakasulat dito, mga sasakyan na maghahatid sa pamilihan, kagamitan na maghahalo, mag-filter, at mag-store sa produkto. Maliban pa dito, mangangailangan din ng koryente at tubig upang mabuo ang mga ito. Gagamit ng mga serbisyong pinansyal, marketing, sales, at istratehiya upang masigurong maibebenta ang mga produkto. Dahil dito, kung magiging malusog ang kapaligiran na akma sa pagnenegosyo, ang sektor ng industriya ay maaaring maging tagapagpaandar ng ekonomiya (Batungbakal, 2011) na magbibigay ng maraming hanapbuhay para sa mga Pilipino.
Ang pagmamanupaktura halimbawa ay hindi maaaring mawala dahil ito ang pangunahin sa sekondaryang sektor. Ito ang sektor na nagpoproseso ng mga hilaw na produkto. Ang mga nabubuong produkto ay karaniwang ginagamit sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao. Ang krisis sa pagpapautang at ang pandaigdigang krisis pinansyal na naganap mula 2008 – 2012 ay nagpakita sa kahinaan ng industriya ng paglilingkod at dahil dito, nangangailangang makagawa ng may kalidad na hanapbuhay sa sektor ng industriya.
Ang sekondaryang sektor ding ito ay nagtutulak upang magkaroon ng mga inobasyon upang makabangon mula sa malawakang epekto ng mga krisis pang ekonomiya. Halimbawa, ang kompanya ng Apple ay hindi nag-imbento ng MP3 player, bagkus ay gumawa sila ng isang produktong mas simple at madaling gamitin na tinawag nilang iPod (Batungbakal, 2011). Sa tulong ng teknolohiya, ang produktibo ay napagbubuti para sa higit na kapakinabangan ng buong bansa. Ito rin ang nabanggit sa batayang aklat nina Balitao et al (2012), na sa pamamagitan ng sektor na ito, higit na nagiging mahusay ang teknolohiya at nakabubuo ng mga kagamitan at makinang nakatutulong nang malaki sa agrikultura. Ginamit nilang halimbawa ang traktora, mga makabagong pestisidyo, at iba pa.
Samantala, malaking tulong din sa agrikultura ang pagsasaayos ng mga impraestruktura tulad ng mga daan, tulay, riles, daungan, paliparan, at imbakan ng mga produkto. Ito ay pagsisigurong makararating sa tamang panahon at pakikinabangan ng mga mamamayan ang kalakal mula sa sektor ng agrikultura. Ang mga produktong madaling masira ay naiingatan at napahahaba ang buhay dahil na rin sa mga imbakang ginagawa.
Sa usapin ng mga manggagawa, sinasalo ng sektor ng industriya ang mga mamamayang iniwan ang gawaing pang-agrikultura dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Maaaring ang dahilan ay ayon sa sumusunod:
• Nakikipagsapalaran sila sa kalunsuran o sa lokasyon na may sonang industriyal upang maging mga manggagawa sa mga pabrika;
• Unti-unting nauubos ang mga lupaing tinatamnan dahil ginagamit bilang residensiyal, industriyal, o panturismo.